WebClick Tracer

NEWS

Trillanes binira si Padilla sa West PH Sea isyu

Pinasinungalingan ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pahayag ni Senador Robin Padilla na noong panahon umano ng dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III inangkin ng ibang bansa ang Scarborough Shoal.

Nag-ugat ito sa programang ‘Politiskoop’ kung saan sinabi ni political analyst Ronald Llamas na dapat mag-research si Padilla tungkol sa territorial dispute sa China.

Giniit ni Robin na sa panahon umano ni Llamas, na dating presidential adviser for political affairs ni PNoy, nawala ang Scarborough Shoal sa Pilipinas.

“Isa pa itong kulang sa pansin na ito. Lipas na ang panahon n’yo at sa panahon n’yo nawala ang Scarborough Shoal. Kaya `wag na po kayo pumapel sa panahon namin,” hirit ni Padilla.

Hindi nagustuhan ni Trillanes ang pahayag ni Padilla at pinunto na walang nakapasok na barko at walang ipinatayong base ang China sa panahon ni PNoy.

“There are no Chinese ships inside Scarborough shoal. There is no Chinese reclamation or base on Scarborough shoal,” wika ni Trillanes.

Kung titingnan umano ang panahon ni PNoy, naipasa ang Philippine Baselines Law na siya ang pangunahing may-akda para ipaglaban ang Scarborough Shoal. Gayundin ang pagpabor sa Pilipinas ng arbitral tribunal para palagan ang nine-dash line ng China sa West Philippine Sea.

“So, if there is no physical occupation by Ch and there are much stronger legal Ph claims, what is now the basis of this oft repeated lie that we lost Scarborough during PNoy admin? WALA!” giit ni Trillanes.

Payo niya kay Padilla, dapat ay mag-research o magtanong muna ito bago magbigay ng pahayag.

“Finally, to Senator Robin Padilla, my unsolicited advice sayo ay magresearch o magtanong sa iyong mga advisers o staff bago magsalita tungkol sa mga importanteng bagay,” saad ni Trillanes. (Ray Mark Patriarca)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on