Naglitawan ngayon sa kahabaan ng EDSA ang mga billboard na nagsasaad ng suporta para sa West Philippine Sea (WPS).
Ilan sa mga billboard ay may mukha pa ni Senador Risa Hontiveros, isa sa mga mambabatas na bumabatikos sa pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino at sa Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
“Atin ito! Suportahan ang mga mangingisda sa West Philippine Sea,” nakasaad sa mga billboard na may litrato ni Hontiveros.
May isa namang billboard na nakasaad na “Suportahan ang mga frontliners sa West Philippine Sea!” at “Join the Christmas Convoy to BRP Sierra Madre in Ayungin”. Nasa billboard naman ang litrato ni dating senador Manny Pacquiao.
Sabi ng source ng Abante, nitong nagdaang mga araw lang ikinabit ang mga naturang billboard at inaasahang madagdagan pa ito mga susunod na araw. (Dindo Matining)