Sino raw itong award-giving body sa Amerika na ginagawang raket ang pagkakaloob ng award sa mga outstanding Pinoy?
Ayon sa nakalap ni Mang Teban, ang estilo raw ng award-giving body ay magbibigay ng parangal gamit ang mga certificate na pirmado ni US President Joe Biden pero may kapalit na pera.
Bago ang lahat, binabati nga pala ni Mang Teban ang Filipino Community sa Los Angeles, California. Mabuhay kayo!
Heto nga raw ang tsismis, inilalako raw ang award sa mga sikat na Pinoy sa Tate at ‘Pinas. Ang raket, may award ka pero kailangang maging sponsor ka muna. At pag sinabing sponsor, may involved na pera.
Kabilang daw sa nabigyan na ng award ay mga kilalang journalist, dating mataas na opisyal ng gobyerno, kasalukuyang miyembro ng hudikatura at iba pang maimpluwensiya at madatung na personalidad kaya marami ang nabubudol ng grupo.
Kasama raw sa package ng pag-sponsor ay ang libreng picture sa mga awardee. Aba’y kung umabot ng 30 katao ang nabudol ng grupo, malaki-laking datung din ang kanilang maiipon.
Upang magmukhang legit ang kanilang pakulo, kumukuha sila ng sosyal na host mula `Pinas kapalit ng libreng business class ticket at hotel accommodation.
`Yun nga lang, may ibang awardee na hindi matatawaran ang reputasyon sa Pilipinas ang gustong magsauli ng nakuha niyang award. Kaliwat-kanan daw kasi ang kinasasangkutang kontrobersya ng award-giving body.
Clue: Mahuhulaan n’yo ang pangalan ng award-giving body at taong nagpapatakbo nito dahil apelyido pa lang ay mukhang nanghihingi na.