Sino raw itong opisyal ng Malacañang ang markado na dahil sa kawalan nito ng kagandahang asal sa mga kasamahan.
Ayon sa binatong impormasyon kay Mang Teban, walang pinipiling oras at pagkakataon itong opisyal na ito dahil itinaon ang pagpapakita ng kagaspangan ng ugali sa isang mahalagang event ng kanilang komisyon kung saan may mga bisita at miyembro ng media na nakasaksi sa ginawa nito.
Hindi sana napansin ang pakikipagsagutan nito sa kapwa kasamahang opisyal kung ginawa sa isang sulok pero tila nawala sa sarili ito at animo’y sinapian sa harap ng mga bisita at media.
Ang ipinagmamarkulyo pala nito ay ang give-aways na ipinamigay sa mga nagpunta sa event na para sa kanya ay napakarami na diumano. Susmiyo! Nanghinayang yata itong si sir sa pa-give aways nila samantalang pang-relief goods ang laman ng loot bag!
Ang sabi ng mga utaw sa Palasyo, maraming reklamo sa opisyal na ito dahil sa halip na makatulong na mailapit ang kanilang tanggapan sa masa ay siya pa ang nangungunang nagpapakita ng hindi magandang impresyon sa tao.
Pati raw ang mga miyembro ng media, tinarayan din ng opisyal, aba’y tawagin ba naman silang mga medyas.
Clue. Ang opisyal ay bet umanong tusukin ang mata hanggang sa maduling ng mga nakaatraso nito.