Kasunod ng kontrobersiya kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na agad namang humingi ng paumanhin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), inihayag ng ahensiya na maghahain ito ng rekomendasyon kung sino-sino ang mga papayagan dumaan sa EDSA Busway.
Irerekomenda umano ng MMDA sa Department of Transportation (DOTr) na payagan dumaan sa busway ang mga sasakyan ng limang pangunahing opisyal ng gobyerno na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Vice President at Education Secretary Sara Duterte, Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Chief Justice Alexander Gesmundo.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, mahalaga ang gawain ng mga naturang opisyal ng gobyerno kung kaya’t kailangan bigyan ng espesyal na pribilehiyo sa lansangan para mabilis na makarating sa pupuntahan.
Kasama rin sa inirekomenda ang mga bus na may permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at mga “on duty” na ambulansya, trak ng bumbero, at mga sasakyan ng Philippine National Police.
Ayon kay Artes, ihahain niya ang kanyang rekomendasyon sa DOTr upang pag-aralan at maipatupad sa lalong madaling panahon.