Halos dumoble ang lugi ng ABS CBN Corporation sa unang siyam na buwan ng 2023 sa P3.3 bilyon mula sa pagkalugi nitong P1.7 bilyon sa parehong panahon noong 2022.
Lumiit ang kita ng network ng 6% sa P13.5 bilyon sa unang siyam na buwan ngayong taon ngunit binawasan din ng ABS-CBN ang gastos nito ng 8% na P16.1 bilyon na lamang.
Lumago man ang regular ad sales nito ng 18% sa P4.8 bilyon, lumiit naman ang consumer sales ng network ng 8% na P8.69 bilyon na lamang mula P9.45 bilyon dahil humina ang benta ng cable TV at satellite customers ng Sky Cable at TFC.
Inamin ng kompanya na walang katiyakan kung magpapatuloy ito kaya’t isinusulong nito ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal at dayuhang kompanya para sa maximum exposure ng kanilang mga programa at para kumite sa mga content nito.
Nakipag-partner na ang ABS-CBN noon pang 2020 sa Zoe Broadcasting at umere na ang iba nitong mga programa sa TV5 noon pang 2021. May content supply agreements din ito sa Pinoy Interactive Entertainment channel kasama na ang Kroma Entertainment at BEAM at kumikita ang mga ito.
May mga nabenta na rin itong content sa TV%, GMA Network, AMBS, Netflix, Viu, iQiyi, at WeTV. Umaasa ang management ng ABS-CBN na positibo pa ang cash position nito at mababayaran ang mga utang na magma-mature sa loob ng 12 buwan. (Eileen Mencias)