Sa isang vlog, nagbalik-tanaw si Maricel Soriano tungkol sa friendship nila ni Roderick Paulate.
Ayon sa Diamond Star, napakatibay na raw ng pundasyon ng kanilang pagkakaibigan ni Kuya Dick sa dami ng kanilang pinagdaanan.
“He’s a warm person. No hullabaloos pero you have to get to the point kasi kapag hindi, alam niya kapag pinapaikot mo siya,” kuwento ni Marya.
Itsinika rin ng Diamond Star ang kanyang naging obserbasyon kay Roderick noong mga bata pa sila.
“Bata pa lang kami, nagpupurihan na kaming dalawa. Parang sinasabi nya na ‘Huwag kang magsasalita ng ganyan kasi hindi lang naman ako, ikaw rin!’ parang ganon sa kanya,” aniya.
Ayon naman kay Kuya Dick, si Maria raw iyong totoong kaibigan na hindi mahilig makipag-etchosan.
Sasabihin daw nito ang gusto niyang sabihin hindi lang out of concern.
Gayunpaman, ito raw iyong tipo ng kaibigan na ilalaban ka nang patayan.
Meron namang nakatutuwang anekdota ang magaling at award-winning actress kay Dick na noong una ay tila ayaw nitong ipabuking.
May pagkakataon raw noon na nagpunta si Marya sa bahay ni Kuya Dick subalit wala ito.
Tinanong daw nito sa nanay ni Dick kung ano ang suot na sapatos nito nang umalis.
Ora mismo, alam na raw agad ng aktres kung saan ito pupuntahan at hindi naman ito nagkamali sa kanyang kutob.
“Sinugod ko siya. Sabi ko, ‘Sumakay ka! Hindi ako aalis dito nang hindi ka nakakasakay sa kotse ko. Magkamatayan na tayo dito!’” pagbabalik-tanaw ni Maricel.
Sa huli, naiuwi raw niya ang kanyang kaibigan by hook or by crook.
Naikuwento rin niya na maski sa lovelife ay may say sila sa isa’t isa.
Labis din ang pasasalamat ni Roderick sa pagkakaroon ng isang Maricel na bukod sa tunay na kaibigan ay maaasahan niya sa lahat ng pagkakataon.
Sina Maricel at Roderick ay muling magsasama sa pelikulang “In His Mother’s Eyes” na iprinodyus ni Mommy Flor Santos under 7K Entertainment.
Ayon kay Kuya Dick, na-miss daw niya ang pakikipagtrabaho kay Marya lalo pa’t ang last movie nila was “Gorio and Tekla” in 1989.
Sey pa niya, marami raw silang confrontation scenes ni Marya sa pelikula na kaabang-abang.
Pagbibiro pa niya, kung ang mga nakatrabaho raw ng Diamond Star ay quotang-quota kay Maricel sa mga sampal nito, iba raw ang nangyari sa kanilang latest movie.
Katunayan, naiganti raw niya si Kim Chiu sa mga sampal na natikman nito from Maricel sa kanilang serye.
Siya ang nagbigay ng umaatikabong sampal sa Diamond Star.
Ang pelikulang ‘In His Mother’s Eye’ ay punong-puno ng puso .Palabas na ito sa mga sinehan sa buong bansa simula sa Nobyembre 29. (Archie Liao)