Umaabot sa 147 katao, karamihan ay mga bata, ang dinala sa mga ospital matapos umanong malason sa kinaing pansit na handa sa dinaluhan nilang kasalan sa bayan ng Talakag sa Bukidnon noong Sabado.
Base sa ulat, bandang alas-tres nang tanghali nang lantakan ng mga biktima ang nakahaing pansit sa isang kasalan sa Sitio Calapat sa Barangay Tagbak sa nasabing bayan.
Karamihan sa mga biktima ay mga kamag-anak at kaibigan ng mga ikinasal na nakatira sa magkatabing bayan ng Talakag at Lantapan.
Nag-uwi pa umano ang mga ito ng pansit para pasalubong sa kanilang pamilya.
Gayunman, matapos na makakain ng pansit ay sumama umano ang pakiramdam ng mga ito.
Nakaramdam umano ang mga biktima ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka kaya halos sabay-sabay silang isinugod sa iba’t ibang ospital sa Talakag at Lantapan.
Ilan sa mga biktima ay pinauwi na rin nang bumuti ang kanilang pakiramdam habang ang iba ay nagpapagaling at nakaratay pa sa mga ospital.
Samantala, magkatuwang ang mga municipal health worker ng Talakag at Lantapan sa pagkolekta ng sample ng mga inihandang pagkain sa kasalan para masuri sa Bukidnon Provincial Health Office (PHO) kabilang ang pansit na sinasabing nakalason sa mga biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
(Edwin Balasa)
https://www.youtube.com/watch?v=x36SNsPaEo