Ikinatuwa ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto ang pagdagsa at paglahok ng daan-daang kabataang runner at anti-illegal drugs advocate sa “Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan” (BIDA) fun run sa Quezon City Memorial Circle kahapon nang madaling araw.
“Nung nakita ko kung gaano kasaya at kung gaano karami ang mga kabataan na nagparticipate, pinakita po ni GOD na meron tayong pag-asa laban sa illegal drugs dito sa QC,” pahayag ni Sotto.
Pinangunahan ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council ang nasabing fun run kasama si Sotto bilang co-chairman nito sa pakikipagtulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Dangerous Drugs Board (DDB).
Alas-kuwatro pa lang ng umaga ay buhos na ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang paaralan at organisasyon sa QCMC para makiisa sa BIDA Fun Run na nagsimula bandang alas-sais nang umaga.
Kasama ni Sotto sina DDB Deputy Executive Director for Operations Assistant Secretary Maria Belen Matibay, Cerleen Sedilla, schooldivision superintendent, Dr. Dexter Galban, Assistant Secretary for operations ng Department of Education (DepEd), mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
(Dolly Cabreza)