Nasagip sa tangkang pagpapatiwakal ang isang babaeng kasambahay sa pamamagitan nang pagtalon mula sa ika-18 palapag ng condominium sa Quezon City.
Sa naantalang report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6 Police Station 15, bandang alas 9:50 nang gabi noong Huwebes nang mangyari ang insidente sa No. 1830 sa High Park Tower 1, Vertis North, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Batay sa ulat, nakita ng kaniyang employer na nakilalang si Justin na nagtatangkang tumalon ang kaniyang kasambahay mula sa ika-18 palapag ng nasabing condominium.
Agad itong humingi ng saklolo sa pulisya kung saan ay naabutan pa ng mga nagrespondeng pulis sa pangunguna ni Patrolman Ara Grace I Merino,n kasama ang Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at security personnel ng condominium ang kasambahay na aktong tatalon sa 18th floor ng condo.
Walang inaksayang sandali ang mga awtoridad at mahinahong kinausap ang kasambahay.
Kalaunan ay nahikayat ito at hindi na itinuloy ang planong pagpapatiwakal.
Gayunman, matapos na masagip ay hindi naman idinetalye ng kasambahay ang dahilan ng kaniyang tangkang pagpapakamatay.
(Dolly Cabreza)