WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Motor vs tourist bus: 2 utas, 8 Taiwanese sugatan

Patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo habang sugatan ang walong Taiwanese nang sumalpok ang mga una sa kasalubong na tourist bus sa Naga City, Cebu kahapon nang umaga.

Ayon kay P/Lt. William Homoc, hepe ng Naga City Police Station, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Sitio Mohon, Barangay Langtad ng nasabing lungsod bandang alas 4:20 nang umaga.

Galing sa Barangay Langtad patungong Oslob City ang tourist bus na minamaneho ni Richard Varga, 49-anyos, residente ng Consolacion sa nasabing lungsod habang nagmula naman sa Cebu City ang dalawang naka-motorsiklo na sina Klyde Morchie Rosada, 18-anyos at Joshua Canceran, nasa hustong gulang at kapwa residente ng Bairan, Naga City.

Nagulat umano si Varga nang biglang lumipat sa tinatahak nilang linya ang motorsiklo ng mga biktima.

Tinangka umano niyang umiwas at kinabig ang tourist bus ng Paladin Transport Services pero bumalik uli sa nasabing linya ang motorsiklo kaya nagkasalpukan sila.

Lulan ng tourist bus ang 17 Taiwanese na manonood sana ng whaleshark show sa Oslob City.

Sa lakas ng impact, nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang dalawang biktima na nagresulta ng agaran nilang pagkamatay.

Samantala, matapos sumalpok sa motorsiklo ay bumangga pa ang bus sa pader sa gilid ng highway na ikinasugat ng walong Taiwanese, kabilang dito ang dalawang bata.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakainom umano ang dalawang biktima.

Pansamantala namang kinustodiya ng Naga Police ang driver ng bus habang patuloy pa ang imbestigasyon.

(Edwin Balasa/Ronilo Dagos)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on