Nakikipagtulungan ang Climate Change Commission (CCC) sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang maging matagumpay ang isinusulong nito na 5Ps para sa Sustainable Development Goals laban sa pagbabago ng klima.
Tinukoy ni CCC Secretary Robert Borje ang 5Ps na walang iba kundi “planet, people, plant, partnership and prosperity”.
“We are here for our planet. We are here for the people who are affected the most by climate change,” ayon kay Borje sa isang tree planting activity na may temang “Net Zero Challenge” sa Paete, Laguna.
Paliwanag pa ng opisyal na malaking bagay ang pagtatanim ng mga punong kahoy para labanan ang climate change.
“We need to plant more trees dahil malaki ang naitutulong ng mga puno bilang carbon sinks. Bukod dito, ang mas maraming puno ay nakakatulong sa pagsigla ng ating watershed, nakakatulong din ito sa pagpigil ng baha at pagguho ng lupa,” pahayag ni Borje.
Aniya, napakahalaga na magkaroon ng partnership o pagtutulungan ang mga ahensiya ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan, civil society at mga payamanan para makamit ang Sustainable Development Goals kontra climate change.
Ang isinagawang aktibidad sa Paete ay bahagi ng Carbon Neutrality Program ng CCC sa Caliraya-Lumot Watershed na puntiryang balansehin ang carbon emissions sa pamamagitan ng nature-based solutions o pagtatanim ng hanggang 15,625 na mga punongkahoy sa 25 ektarya ng watershed na sakop ang mga bayan ng Lumban, Kalayaan, at Cavinti.
Ayon kay Borje, nais nilang gawin ito sa tulong ng iba pang civil society organization at mga pamahalaang lokal.
Ipinagdiriwang ng CCC ang 16th Annual Global Warming and Climate Change Consciousness Week 2023 tuwing November 19 hanggang 25. Ang tema nito ngayong taon ay “Bayanihan Para sa Klima: Bagong Bansang Matatag.” (Prince Golez)