Hindi alam ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) kung sino talaga ang may-ari ng Smartmatic na naging automated election system provider ng bansa mula pa noong 2010.
Nadiskubre ito sa deliberasyon ng mga senador sa panukalang badyet ng Comelec para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P27.34 bilyon.
Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel Jr., sinabi ni Senador Imee Marcos, sponsor ng badyet ng Comelec, na isang nagngangalang “Cesar Flores” ang kilalang kinatawan ng Smartmatic.
Nag-ugat ang pagtatanong ni Pimentel sa kung sino ang may-ari ng Smartmatic sa nag-trending umano na istorya noong 2022 kung saan nakipagkita umano sa may-ari ng Smartmatic ang kampo ng isang kandidato sa halalan.
“There have been allegations that a certain camp of a certain candidate met with the owner of Smartmatic during the election period of 2022. Has this report reached the Comelec? And has the Comelec investigated this report?” tanong pa ni Pimentel.
Sagot naman ni Marcos na, “There is a certain disqualification case against Smartmatic from bidding in any Comelec exercises, and therefore, they are keen to investigate the allegations during that opportunity.”
Giit pa ni Pimentel na bawal dapat ang ginawa ng Smartmatic na makipagkita sa isang kandidato sa eleksiyon.
“Kung tayo kasi nakaupo sa Comelec, if our supplier who practically ran the election, in-admit naman na Mr. President na halos na-delegate na sa Smartmatic `yung ano eh (eleksiyon) and then the owner of Smartmatic is meeting with interested parties, candidate’s camp, medyo, bawal dapat `yun,” ayon kay Pimentel.
Binigyang-diin naman ni Marcos na iniimbestigahan na umano ng Comelec ang sinasabing insidente at mahirap pang kumpirmahin kung totoong nangyari ito. Subalit tiniyak ni Marcos na ilalabas ang resulta ng imbestigasyon sa susunod na buwan.
Ayon kay Marcos, bago matapos ang Disyembre 2023 inaasahang may resulta na ang “12-man investigative panel” na binuo ni Comelec Chairman George Erwin Garcia para alamin ang katotohanan ng mga ganitong alegasyon sa nagdaang halalan.
Kinuwestiyon naman ni Pimentel ang Comelec kung may impormasyon ito na bumisita umano ang may-ari ng Smartmatic sa bansa noong 2022. Hindi naman ito kinumpirma ng Comelec.
Dito nagtanong uli ang senador, “Do you know the name of the owner of Smartmatic?” Walang sumagot mula sa Comelec kaya sinabi ni Pimentel na, “Pati `yun hindi nila alam.”
“Ang laging pinapangalan `yung Cesar Flores but we are not aware of the corporate structure, the sister-companies and the overall organization,” ayon naman kay Marcos.
“Ang record lagi Cesar Flores ang naga-apply sa Comelec… he was the president as of the records of Comelec. Siya yung presidente ng Smartmatic kapag nag-a-apply dito sa Pilipinas,” dagdag pa ni Marcos.
Ayon naman kay Pimentel, base umano sa kanyang nakalap na impormasyon, nakipagkita ang kampo ng isang kandidato sa may-ari ng “mother company” ng Smartmatic.
“Your main partner in running the organization, you do not know the personalities behind that?” wika pa ni Pimentel.