Ni Nancy Carvajal
LIMA-kataong kinabibilangan ng tatlong babae na nagpanggap na staff ni Senator Sherwin Gatchalian ang arestado sa isang entrapment operation sa isang coffee shop sa Pasay City noong Lunes ng hapon, ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nag-ugat ang entrapment sa reklamong inihain kay Gatchalian sa NBI- Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI- AOCTD) na pinamumunuan ng abogadong si Jerome Bomediano.
Batay sa lumabas sa imbestigasyon ng NBI, modus ng nasabing grupo na lumapit sa mga construction company at at nambubudol sa pamamagitan ng paglansi at pangangakong bibigyan ng “locked in projects” na anila’y mula sa pondo ng mambabatas kapalit ng bayad.
Sa patuloy na imbestigasyon ng NBI-AOCTD ay kinilala ang dalawang lalaking suspek na sina Ryan Lester Dino at Carlo Africa Maderazo.
“The suspects had previous criminal records and it reflected in their demeanor when they were arrested. Sanay- na sanay. Walang kaba” paglalarawan ng isang ahente sa mga naarestong con artist.
Si Dino ay may suot pang pekeng Senate staff ID bilang si David Luis Tan, na nagsabing siya ay staff din ng `Commission on Appointments.’
Si Maderazo din na nag-pose bilang in-charge para sa mga proyekto ay nabuking na hindi rin isang inhinyero, base sa pagpapakilala nito sa kanyang mga biktima.
Isinailalim din sa kustodiya ng NBI-AOCTD ang tatlo pang babae na kasama ng grupo para sa karagdagang imbestigasyon. Kabilang dito ang kinilalang sina Dina at Sherdela, na sinasabing pawang lumaya matapos makapagpiyansa ng P36K.
Naalerto si Gatchalian sa mga iligal na aktibidad ng grupo nang isa sa mga target na biktima ay nag-verify sa tanggapan ng senador.