Ano kaya ang meron sa Ynares Center at lapitin ng disgrasya rito si Kevin Alas?
Tatlong beses nang umalog ang tuhod ng NLEX star guard sa Antipolo venue, huli nitong Sabado.
Sa bukana ng second quarter ng 113-112 loss ng Road Warriors sa Terrafirma, bumagsak siya. Sa kaliwang tuhod naman siya na-injured.
Nakalakad naman papunta ng bench ang Gilas playmaker pero hindi na bumalik sa laro. Dumiretso siya sa ospital at pina-MRI ng team.
“Pero mga PT (physical therapists) namin dito, suspect nila ACL,” balita ni coach Frankie Lim. Kinumpirma Lunes ng team na na-ACL na naman ang player
Sa Ynares Center din inabot ng right knee ACL (anterior cruciate ligament) injury si Alas noong 2018 PBA Philippine Cup semis. Nagarahe siya ng ilang buwan, nakabalik ng sumunod na season pero na-re-injured ang tuhod sa elims ng 2019 All-Filipino tin.
Sa talo sa Dyip, napigil ang Road Warriors sa 1-2 sa Commissioner’s Cup elims. Buwelta ang NLEX sa Miyerkoles kontra 2-1 NorthPort sa Smart Araneta Coliseum. (Vladi Eduarte)