WebClick Tracer

NEWS

Mga abogado, travel agency sabwatan sa visa scam – DOJ

Nasilip ng Department of Justice (DOH) ang kahinaan sa visa issuance system ng Department of Foreign Affairs (DFA) na madali umanong nalulusutan sa sabwatan ng mga abogado at travel agency.

Ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kahinaan sa sistema matapos hingan ng komento tungkol sa mga insidenteng kinasangkutan ng mga dayuhan na hindi pinapasok sa bansa dahil sa kahina-hinalang mga dokumento.

Nagsagawa umano ng imbestigasyon si Remulla at nadiskubre ang mga ilegal na paraan na ginagawa ng mga abogado at travel agency para makapasok sa bansa ang mga dayuhan na karamihan ay Chinese nationals.

Ikinabahala pa ng DOJ chief ang pagsulputan umano ng mga pekeng kompanya na sinasamantala ang mga butas sa visa issuance system.

Kaugnay nito, inirekomenda ni Remulla na ipaubaya sa third-party issuer ang visa dahil hindi umano kayang hawakan ng DFA ang masalimuot na sistema ng visa applications lalo na ang mga galing sa China.

Para kay Remulla, mas makabubuti kung pangasiwaan ng third-party issuer katulad ng VFS ang visa dahil mayroon itong kakayahan na kilatisin at kumpirmahin ang mga dokumentong isinumite ng mga dayuhan na nais makapasok sa bansa.

Binigyang-diin ng kalihim na nais lamang niyang siguruhin na ligtas ang bansa laban sa mga indibiduwal na sinasamantala ang mahinang sistema sa visa application.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on