Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring maging “powerhouse” ang Pilipinas sa digital industry dahil sa mga bata pa at talentadong workforce ng bansa.
“We have a very big advantage of that because again, paulit-ulit kong sinasabi but talagang totoo, it’s our workforce. Dahil bata `yung workforce natin, magaling tayo sa tech. Madali para sa atin ang technology at siguro with the talent that we already have in the Philippines, kaunting upskilling na lang and we will already be at the forefront of this technology,” sabi ng Pangulo sa panayam sa kanya ng media habang nasa Hawaii.
Marami aniyang nalaman ang kanyang delegasyon mula sa mga American planner sa technological industry at kung ano ang maaaring maging papel dito ng Pilipinas.
Subalit kailangan aniya hikayatin ang mga nagsisimula pa lamang sa industriyang ito sa bansa na hindi nagtatagal dahil sa pagkalugi.
“Kasi kung technology ang pag-uusapan, kailangan bago lahat, kailangan ma-encourage natin ang mga start-ups. Ang problema sa start-ups, 95 percent of them fail but that’s the nature of the business,” ayon kay Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo na may mga nakausap sila sa Amerika na “brilliant people” na maaaring makatulong upang palakasin ang digital industry sa bansa. (Prince Golez)