Binaha ang ilang bahagi ng Sorsogon kasunod ng malakas na pag-ulan dulot ng shearline at Low Pressure Area (LPA).
Dahil sa masamang panahon at matinding pagbaha, sinuspinde na ang klase sa Juban, Bulan, Sta. Magdalena, Irosin, Casiguran, Bulusan, Magallanes, Prieto Diaz at Sorsogon City.
Sa Juban Sorsogon, aabot na sa higit 100 indibidwal ang inilikas.
Sa Bulan Sorsogon naman, tumaas na ang lebel ng tubig sa river control kaya inabisuhan na rin ang mga residente na nakatira sa mababang lugar na lumikas.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, maliit ang tiyansang maging bagyo ang LPA.
Ngunit ang buntot nito ay nagdudulot na ng pag-ulan sa Masbate, Sorsogon, Visayas, Northern Mindanao, Caraga at Davao Region.
Samantala, nakakaapekto naman sa lagay ng panahon sa Luzon kabilang ang Metro Manila, Cagayan Valley, Apayao at natitirang bahagi ng Bicol Region ang northeast monsoon o hanging amihan. (Natalia Antonio)