WebClick Tracer

OPINION

LF: Simpleng Noche Buena

Kumusta na ba ang inyong paghahanda para sa Noche Buena?

Paniguradong iba-iba ang sagot ng mga makakabasa ng tanong na ito batay sa kanilang kasalukuyang estado o katayuan sa buhay.

Pero kung ang tatanungin ay ang mga negosyanteng kagaya ni Ginoong Steven Cua ng Amalgamated Supermarket Association of the Philippines, ang sagot niya ay ang mga linyang dapat na maging praktikal na tayo.

Praktikal dahil mas nararapat aniya na ibatay na lamang natin sa ating kakayahang bumili ng makakayanan lamang ang dapat na pairalin sa pag-iisip ng preparasyon sa naturang okasyon na inaabangan ng halos lahat ng Kristiyano.

Si G. Cua ay nakapanayam namin ng aking kasamang si Alvin Barcelona sa pangalawang episode ng programang parekoy na mapapanood sa iba’t-ibang social media platforms ng Teletabloid, pinakabagong dagdag sa pamilya ng grupo ng Abante.

Ang aming timeslot ay Lunes hanggang Biyernes, alas onse ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.

Paano nga ba maging praktikal sa paghahanda sa Noche Buena?

Ayon kay G. Cua, pinakamahalaga daw na magtakda na muna ng badyet para sa kabuuang preparasyon ng Kapaskuhan upang lahat ng pangangailangan ay matugunan at siyempre may maisubi o matira pagkatapos ng selebrasyon.

Mahalaga rin kasi na ilagay sa ating mga isipan na matapos ang handaan, kainan at inuman ay mayroon ka pang madudukot sakali mang magkaroon ng biglaang gastusan sa harap na rin ng katotohanan na talaga namang napupurdoy ang mga bulsa natin matapos ang Noche Buena at Medya Noche kahit sangkaterba ang natanggap na bonus.

At anu-ano ba ang dapat nating ihanda sa Noche Buena?

Sa panahon ngayon ay hindi na nga siguro makatuwiran na masyado tayong maging magarbo dahil nga katatapos lamang ng pandemya at ang pinakamahalaga ay muling makasama ng harap-harapan ang mga kaanak at mahal sa buhay na tatlong taon ding halos sa video chat lamang nakakapiling.

Para sa akin, magkaroon lamang kami ng pancit, adobong manok at baboy, home made na sardinas na bangus, ilang kakanin at prutas ay ayos na ayos na.

Bukod sa hindi mabigat sa tiyan, ang mga ito ay hindi pa agad na napapanis at ang sabi nga ng marami, lalong dumidiin ang lasa kapag paubos na.

Ayos ba?

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on