WebClick Tracer

OPINION

Panagutin sa kapabayaan

Muling nahaharap sa kasong graft o paglabag sa Republic Act No. 3019 si dating Energy Regulatory Commission (ERC) Commissioner Alfredo J. Non, matapos magsampa ng kaso si Atty. Paris Real, abogado ng mga power consumer sa Office of the Ombudsman nitong nakaraang linggo.

Sa reklamo ni Real, nagpabaya umano si Non sa pag-akto na gawin ang “regulatory reset process” ng Meralco at iba pang Distribution Utilities (DUs) sa bansa.

Si Non ay naging officer-in-charge ng ERC mula Hunyo 2015 bago may naitalagang chairman noong 2017.

Sa panahon ni Non, umakto ito bilang Oversight Commissioner at nanguna sa mga tinatawag na “public consultation” ganon na rin sa mga pagdinig o “hearing” kaugnay sa “Performance-Based Rate Setting Systems” ng mga distribution utilities.

Nakapaloob sa bagong reklamo, ang hindi pagganap ni Non sa kanyang tungkulin na bawalan ang mga DUs sa pag-update ng mga ito sa kanilang distribution rate “sa loob ng pitong taon”.

Ayon kay Real sa pagpapabayang ito ni Non, hindi nare-review ng ERC kung tama ang mga “adjustment” na ginagawa ng mga DUs kaya nagtaasan ang halaga ng kuryente na naging pahirap sa mga mga consumer.

Ayon pa kay Real, kung hindi pa kumilos ang Meralco na mag-refund noong 2021, hindi mababawasan at maiibsan ang paghihirap ng mga customer nito.

Dagdag pa ni Real, kahit na nakatapos ang isang opisyal ng kanyang termino, may pananagutan pa rin ito, kung siya ay nagpabaya sa kanyang tungkulin noong naninilbihan pa sa gobyerno.

Ang pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay dating ERC Commissioner ay mahalagang hakbang upang mapanagot ito kung nagpabaya nga sa kanyang tungkulin.

Ito rin ang pagkakataon na sagutin ni Non ang mga akusasyong ipinupukol laban sa kanya kaugnay sa panibagong kaso na isinampa sa Ombudsman ni Real na abogado ng mga electric consumer.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on