WebClick Tracer

NEWS

DSWD binutata NFA sa 4Ps cash ayuda

Supalpal sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang hirit ng National Food Authority (NFA) na bigas mismo sa halip na pera ang ipamudmod na buwanang allowance para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Iginiit ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na hindi maaari ang rekomendasyon ng NFA na bumili na lamang ng bigas at ipamudmod ito sa mga benepisyaryo kaysa ibigay ng cash ang P600 na buwanang rice allowance.

Ayon kay Lopez, susundin ng DSWD ang mga binuong alituntunin para sa implementasyon ng batas ukol sa 4Ps kung saan ay kailangan na cash ang ibibigay na ayuda para sa buwanang rice allowance.

“Under sa ating 4Ps Law, talagang nakalagay doon na ang stipend natin ay cash at ito po ay ibibili ng bigas ng ating mga beneficiaries,” ayon kay Lopez.

Mas praktikal at epektibo aniya ang sistema na ipinatutupad ngayon kung saan ginagamit ng mga benepisyaryo ang kanilang cash card para makuha ang ayudang pera dahil sila pa mismo ang pipili ng bibilhing bigas.

Subalit nasa desisyon din aniya ng National Advisory Council (NCA) ng 4Ps kung aaprubahan ang isang resolusyon na gawing bigas na lamang kaysa pera ang ipamumudmod sa mga benepisyaryo.

Binubuo ang NAC ng mga ahensiya ng gobyerno at kabilang dito ang DSWD, Department of Health, Department of Education, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, at Department of Trade and Industry.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on