WebClick Tracer

OPINION

Sunod kaya ang BoRa sa KathNiel?

Pagdating sa showbiz at politika, hindi talaga magpapahuli ang mga Pinoy. Kaya kahit sa breakup ng “KathNiel” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ikinabit ang “BoRa” o sina President Bongbong Marcos Jr. at VP Sara Duterte.

Panis ang ibang balita at nadedma ang Bonifacio Day noong nakaraang linggo nang kumpirmahin na nga nina Kathryn at Daniel na hiwalay na sila.

Pero sa lahat ng naghiwalay na celebrity, napansin ng mga ayudanatics nating kurimaw na mukha raw “in peace” ang dalawa dahil walang naglabas ng linyang “ampalaya”, o panira sa isa’t isa.

Kaya may napapaisip na ibang miron na baka gimik lang ang hiwalayan ng dalawa para maipareha sila sa iba. Pero ang ending sa mahabang prusisyon, sila pa rin ang magkikita sa finals. Ganun nga kaya ang script?

At dahil nga ilang sikat na couple o love team ang nabiyak, may mga netizen at tropapips tayong humuhula na baka sunod na raw ang “BoRa” nina PBBM at VP Sara. Baka nga raw ang “BoRa”, maging “SaBong” pa, o talagang away.

Nagsimula ang “hula” na baka magsabong sa UniTeam nina PBBM at VP Sara nang mabuhay ang mga panawagan na hayaan ng pamahalaan na imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang war on drugs ni dating Pangulong Digong Duterte.

Katunayan, may resolusyon na inihain sa Kamara at Senado tungkol dito. Tutol na tutol si VP Sara na bumalik ang `Pinas sa ICC dahil para sa kaniya, panghihimasok sa soberanya at insulto raw sa justice system ng bansa kung dayuhan ang magsisiyasat sa war on drugs.

Umalis ang `Pinas sa ICC noong kainitan na ng pagsita ng ICC sa war on drugs habang nasa puwesto pa si ex-Pres. Digong. At kung papayagan ni PBBM na bumalik ang `Pinas sa ICC, aba’y lilitisin ang erpat ni VP Sara at baka kung ano-anong impormasyon na hindi kaiga-igaya ang maglabasan tungkol sa war on drugs na libu-libo ang namatay.

Dahil hindi naman black and white ang posisyon ni PBBM tungkol sa posibleng pagbabalik ng `Pinas sa ICC dahil ang utos niya eh pag-aralan lang, medyo hilaw pa ika nga para maging dahilan iyon ng breakup ng “BoRa”.

Pero kamakailan lang, kinontra ni VP Sara ang malinaw na desisyon ni PBBM na bumalik ang Pilipinas sa usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng National Democratic Front of the Philippines, pati na ang pagbibigay ng amnestiya sa mga komunistang rebelde.

Hirit ng ilang tropapips natin, kung baga sa magsyota, tingin nila eh puwedeng pagmulan ng “LQ” ang isyu ng peace talk at amnesty. Hiling kasi ni VP Sara kay PBBM, pag-aralan at ikonsidera ang pakikipag-usap sa mga lider ng komunistang grupo at pagbibigay ng amnestiya.

Ang sunod na tanong tuloy ng mga ayudanatics at mga tropapips natin, papaano kung hindi pakinggan ni PBBM ang mungkahi ni VP Sara laban sa peace talk at amnesty? Ang matindi, papaano raw kaya kung magpasya si PBBM na bumalik sa ICC at matuloy ang imbestigasyon at paglilitis kay ex-Pres. Digong?

Kung sakaling mabiyak man ang “BoRa” at maging “SaBong”, ang UniTeam, tingin ng ilang tropapips natin eh baka tulad din ng “KatNiel” ang style ng hiwalayan nina PBBM at VP Sara na “friendly” at walang “ampalaya”.

Ngunit duda rin ng iba, kung pupusisyon si VP Sara bilang lider ng oposisyon bilang paghahanda sa 2025 midterm elections, baka malayong mangyari ang friendly breakup. Iyan ang ating aabangan. Tandaan: “Bata mo `ko at Ako ang Spy n’yo.”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on