WebClick Tracer

NEWS

Transport group pasaklolo sa Kongreso vs LTFRB

Nag-rally kahapon (Disyembre 7) sa harapan ng Kamara de Representantes ang isang transport group upang ipakita ang kanilang suporta sa inihaing resolusyon ng Makabayan bloc na humihiling sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang itinakdang December 31, 2023 deadline para sa franchise consolidation ng mga public utility vehicle (PUV).

Sumama si Mody Floranda, presidente ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), sa Makabayan Bloc sa paghahain ng House Resolution 1506.

Ayon kay Gabriela party-list-Rep. Arlene Brosas, ang kabuhayan ng mga jeepney driver ang unang tatamaan ng franchise consolidation na bahagi ng PUV Modernization Program.

“Malinaw po yung pahayag ng ating jeepney drivers mapi-phase out sila sa pamamagitan nito, sapilitan silang mawawalan ng kabuhayan. Pagwasak ito sa kanilang kabuhayan dahil hindi na sila papayagan na manatili sa kanilang mga ruta at magkakaproblema po lalo na yung maliliit at saka inaapi na sektor ng driver sa ating lipunan,” giit ni Brosas.

Naniniwala si Brosas na ang malalaking korporasyon at kooperatiba ang makikinabang sa naturang programa.

Ayon naman kay Floranda, dapat palakasin ng pamahalaan ang lokal na industriya sa halip na dayuhan ang unang binibigyan konsiderasyon.

Samantala, nanindigan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa itinakdang deadline ng franchise consolidation na hanggang Disyembre 31, 2023 na lamang.

(Eralyn Prado/Billy Begas/Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on