WebClick Tracer

OPINION

Kamote pa rin

Masarap na pagkain ang kamote, maganda para sa kalusugan at swak sa mga diabetic.

Pero ang magandang katangian ng kamote, nauugnay sa kabalbalan. Kapag umutot kasi ng mabaho, sinasabing dahil kumain ng kamote.

Kapag nahirapan naman sa pagsusulit o iba pang aktibidad, sinasabihan na nangamote. Hindi sila nagkakalayo sa nangamatis o sa mas mababa pang nangitlog o zero.

Sinasabi natin ito dahil nangamote na naman daw ang mga estudyanteng Pinoy sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).

Kahit bahagyang umakyat sa +2.66 points ang Pilipinas sa average performance, maituturing pa rin itong kamote zone.

Noong 2018, nasa 340 puwesto ang Pilipinas. Umakyat sa 347 noong 2022 ang marka ng mga Pilipinong mag-aaral na 15 taong gulang pagdating sa Reading Literacy. Pagdating naman sa Mathematical Literacy, bahagyang gumalaw pataas sa 355 noong 2022 mula 353 noong 2018. Pero sa Scientific Literacy, mula 357 noong 2018, bahagya itong bumaba sa 356 noong 2022.

Hindi ito ikinatuwa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) dahil hindi naman daw kalakihan ang itinaas ng marka sa Reading at Math ng mga mag-aaral at lalong hindi rin maganda ang resulta ng marka sa Science.

Sa 81 bansa na sinalang sa assessment, pang 76 ang Pilipinas sa Reading, pang 75 sa Mathematics at pang 79 sa Science. Well at least hindi kulelat pero nakakahiya at nakakabahala pa rin ang resulta, kamote pa rin.

Malinaw na malaki ang problema sa edukasyon ng mga kabataan at kailangang paigtingin ang pagpapatupad ng learning recovery.

Inamin na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na kailangan niya ang tulong ng lahat ng sektor o kolektibong aksyon para malunasan ang problemang ito. Inilunsad na ng kalihim ang Matatag K to 10 curriculum na layong palakasin ang foundation skills ng mga mag-aaral sa literacy at numeracy.

Malaki talaga ang naging epekto ng pandemya sa pag-aaral ng kabataan. Hindi kasi sapat ang online learning lalo na sa mga pamilyang maralita. Imbes na ipambili ng load, ginagastos na lang ito sa pagkain. Mas masaklap yung mga estudyante na walang cellphone.

Hindi lang ang DepEd ang dapat kumilos kundi pati na ang Kamara de Representantes at ang Senado. Alam nating maraming isinulong na panukala ang mga mambabatas, ilan dito ay ang Senate Bill No. 1604 o ang ARAL Program Act na nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa.

Higit sa lahat, dapat maging seryoso rin ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral dahil nasa kanila ang kinabukasan ng ating bayan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on