WebClick Tracer

SPORTS

Mga wushu, martial artist petmalu

Pinamunuan ng mga wushu artist na sina Mark Ragay, Mark Polo at Vincent Ventura, at topnotch martial artists ang pagpalag ng mga atletang Pinoy sa pandaigdigang kompetisyon nitong Nobyembre.

Kinopo nina Ragay, Polo at Ventura ang gintong medalya sa taolu men’s duallian ng 16th World Wushu Championships sa Texas para pamunuan ang honor roll ng Philippine Sportswriters Association (PSA) para sa penultimate month ng 2023.

Ipinagpatuloy ng trio ang tradisyon ng wushu na magprodyus ng mga world champion nang angklahan ang sinungkit na isang ginto, apat na pilak at isang tanso ng bansa sa taunang paligsahan.

Sina Agatha Wong (taolu women’s taijijian), Arnel Mandal (sanda men’s 52kg), Clemente Tabugara Jr. (sanda men’s 65kg) at Jennifer Alipio (sanda women’s 48kg) ang naghatid ng silvers at si Russel Diaz (sanda men’s 48kg) ang nag-bronze.

Hindi rin nagpatalo si Hergie Bacyadan, na sumikat sa Vietnamese martial art ng vovinam. Gumawa siya ng kasaysayan bilang unang Pinay na bumida sa women’s -66kg class ng World Vovinam Championships sa Ho Chi Minh City.

Sa Muju, Korea, nanalo si Patrick King Perez sa ginto sa mixed pair kasama si Jocel Nibobla sa World Taekwondo Poomsae Open Challenge kasama ang men’s team bronze na mula kina Ian Matthew Corton at Jeus Gabriel Yape.

Sa Yerevan, Armenia, nakatanso Sydney Tancontian ng podium finish sa World Sambo Championships.

Naramdaman din ng mga kabataan ang kanilang presensya, kasama sina Fide Master Gian Karlo Arca at jiu-jitsu prodigy Aielle Aguilar na umangkin ng mga world title.

Nasungkit ni Arca, 14, ang World Youth Blitz Chess Championship sa Montesilvano, Italy sa 8.5 puntos sa siyam na round, na tinalo ang mga may titulong mga karibal.

Inulit ni Aguilar, 6, ang tagumpay noong isang taon sa Girls Kids 2 White Belt 17kg category ng Abu Dhabi World Festival Jiu-jitsu Championships sa UAE.

Sa ibang lugar, ang tennis sensation na si Alexandra Eala, 18, sumegunda sa ITF W40 Kyotec Open sa Luxembourg habang si Erika Burgos, 21, ang namuno sa standard women’s elite race ng Asian Duathlon Championship sa Clark sa 1-2 finish kasama si Merry Joy Trupa para sa ‘Pinas.

(Lito Oredo)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on