WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

`The Voice’ finalist nagulungan ng trak

Nasawi sa aksidente sa motorsiklo sa Bacolod City si ABS CBN The Voice season 2 contestant at reggae singer na si Juan Manuel Ubaldo o mas kilala bilang si Kokoi Baldo.

Ayon sa report ng Bacolod City police, ala-1:30 ng madaling araw nang masabitan ng truck ang sinasakyang motorsiklo ng 44-anyos na si Baldo sa Circumferential Road, sa Barangay Mandalagan habang ito ay papauwi sa kanyang tahanan.

Lumalabas sa imbestigasyon na tinangka nitong mag-overtake sa kanang bahagi ng sinusundang truck na may mga kargang tubo (sugarcane) subalit nawalan ito ng kontrol sa motorsiklo.

Nagkasabitan ang dalawang sasakyan. Natumba si Baldo, napailalim sa truck at nagulungan.

Ayon sa isang nakasaksi na sakay sa kasunod na sasakyan, tila hindi namalayan ng driver ng truck na mayroon siyang nasagasaan.

Nagpatuloy ito sa pagtakbo at huminto lamang nang habulin at patigilin ng nakasaksi at sinabi ang pangyayari.

Nagtamo naman si Baldo ng grabeng pinsala sa ibat-ibang parte ng katawan at nasawi na sa pinangayarihan ng insidente.

Nasa kustodiya na ng Bacolod police ang driver ng truck.

Si Baldo ay sikat na reggae singer sa Bacolod City at mas nakilala ng sumali sa ABS CBN show na The Voice of the Philippines Season 2 noong 2014. (Ronilo Dagos)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on