WebClick Tracer

METRO

3 sa bank loan scam, nabitag

Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang tatlong indibiduwal na gumagamit ng iba’t ibang alyas sa isinagawang operasyon sa may Quezon City.

Kabilang sa mga inaresto sina Francis Eric Candido y Gabuya na may mga alyas na Morgan Villaroza, Anton Devin Figueroa, Eric Drancis Candido, KarloMagno Reyes at Ryland Maman; Michael Reyes alyas Jun Mykel Reyes; at Marcelino Javier alyas Alexander Suarez Fernandez, Leonardo Fajardo Carballo at Jose Marie Fuentes Mendoza .

Nag-ugat ang pag-aresto kaugnay sa reklamo ng complainant na inatasan siya ng mga suspek na kumuha ng driver’s license gamit ang ibang pagkakilanlan para makakuha ng bank loan.

Pinangakuan umano ng mga suspek ang complainant na bibigyan ng P500,000 o mahigit pa depende sa loan na ibibigay sa kanila ng banko.

Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI-AOTCD nalaman na ang mga suspek ay nagre-recruit ng mga indibiduwal na pepekein ang pagkakakilanlan para makakuha ng bank loan na walang intensyong magbayad.

Ang mga suspek ang tutulong na makakuha ng PSA birth certificate, mga government IDs at license para makapagbukas ng bank account ang recruit gamit ang pekeng identity.

Nalaman na ang mga suspek ay lumikha ng Fuel Master Petroleum Trading Corp. (FMPTC), isang shell corporation, at aaktong employer sa kanilang recruits para palabasin na lehitimo ang kumpanya.

Naglalagay din ang mga suspek ng human resources at iba pang contact reference para may sasagot kapag nagberipika ang bangko.

Nabatid na noong Nobyembre 29, 2022 nang makumpleto ng NBI ang mga ebidensiya ay nagtungo sila sa tanggapan ng FMPTC sa Quezon City, na naging dahilan ng pag-aresto sa mga suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on