WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

6 Nasabugan ng granada sa Binyagan

Dead on the spot ang isang magsasaka habang limang iba pa ang sugatan nang hagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang mga lalaki, habang naghahanda ng pagkain ang mga biktima sa kusina para sa binyagan sa Maguindanao del Sur noong Biyernes.

Sa report ng South Upi municipal police, agad na binawian ng buhay ang magsasakang si Nestor Amborgo Jr. dahil sa tinamong mga shrapnel injuries sa katawan.

Kasaluyan namang inoobserbahan sa ospital ang mga sugatan na sina Jem Amborgo, 30; Joem Sentina, 33; Alvin Caurin, 37; Jemboy Denuman, 45, at Jimrod Mutha, 43, pawang residente ng Barangay Pilar.

Batay sa imbestigasyon, alas-12:30 ng madaling araw noong Biyernes nang maganap ang insidente sa Sitio Mafran, Brgy. Pilar sa bayan ng South Upi.

Naghahanda umano ng mga ilulutong pagkain sa kusina ang mga biktima para sa binyagan ng isang kamag-anak na gaganapin sana nitong Sabado nang hagisan ng granada ng mga di kilalang lalaki.

Kinondena naman ni Brigadier General Allan Nobleza, police director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nasabing pag-atake.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa insidente. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on