WebClick Tracer

NEWS

China bayolente na sa West PH Sea

Mariing kinondena ng pamahalaan ang nagiging bayolente nang aksyon ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas.

Kasunod ito ng panibagong pambobomba ng tubig ng mga barko ng China sa tatlong sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maghahatid ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino na nasa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, nitong Sabado (Disyembre 9).

Ayon sa National Task Force for the West Philippines Sea, Bukod sa pagbomba ng tubig sa tatlong barko ng BFAR, namataan din ang delikadong maniobra ng mga Chinese Maritime Militia na ginamitan ng long-range acoustic device (LRAD) ang mga sasakyan ng BFAR.

“Water cannon action resulted in significant damage to BFAR vessel Datu Tamblot’s communication and navigation equipment, as it was directly and deliberately targeted by the CCG,” ayon sa pahayag ng task force.

Nauna rito ay ibinunyag ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tariella na mayroong nagkukumpulan na mga barko ng China sa isang bahagi ng West Philippine Sea.

Iginiit naman ng task force na dapat umalis ang mga barko ng China na ilegal na naglalayag sa karagatang sakop pa ng Pilipinas.

Samantala, kinondena rin ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang panibagong insidente ng pambobomba ng tubig ng China.

Ayon kay Castro, sadyang matigas ang mukha ng China na patuloy na may lakas ng loob na pinaninindigan ang pag-aangkin sa West Philippine Sea (WPS).

Giit pa ng kongresista na dapat manindigan ang bansa laban sa China.

“We must stand firm against China’s attempts to undermine our sovereignty. The Philippine government must prioritize the welfare and interests of our people, especially our fisherfolk who heavily rely on the resources in Scarborough Shoal,” ayon pa kay Castro. (Eralyn Prado)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on