WebClick Tracer

NEWS

Immigration inabisuhan mga pasahero, airline sa eTravel

Inabisuhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga biyahero na magparehistro sa one-stop electrical travel declaration system o eTravel, partikular ang mga international passenger na dumarating at umaalis sa bansa.

Muling iginiit ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang lahat ng parating at paalis na pasahero ay dapat magparehistro sa eTravel dahil kailangan ito para sa mga tauhan ng ahensiya na namamahala sa mga BI counter sa mga internasyonal na paliparan at daungan.

Aniya, maaaring ang pagrehistro sa pamamagitan ng eGov PH App o sa website ng gobyerno na https://etravel.gov.ph.

Hinikayat din ng BI chief ang mga kompanya ng eroplano sa bansa na makipagtulungan sa pagpapatupad ng proyekto. Dagdag pa ni Tansingco na responsibilidad ng mga airline na payuhan ang kanilang mga kostumer na mandatory ang eTravel system.

“We have sent reminders to airline companies to remind passengers to register on the eTravel platform prior to arrival or departure from the country,” sabi ni Tansingco.

Idinagdag niya na nakatakda silang bumili ng mga eTravel kiosk upang payagan ang mga indibiduwal na walang access sa smartphone o internet na makapagrehistro sa lugar.

Base sa alituntunin, ang mga kinakailangang magparehistro sa eTravel ay ang parating na mga Pilipino, dayuhang tripulante at pasahero, gayundin ang mga paalis na pasaherong Pinoy.

Hindi naman sakop ng eTravel ang mga dayuhang nasa diplomatic community at may mga hawak na diplomatic visa o passport. (Mina Navarro)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on