WebClick Tracer

OPINION

Cable car sa Metro Manila

Wow na wow ang pangarap para sa Metro Manila ng isang French company na nagrekomenda na magtayo ng cable car upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko.

Sa katunayan ay nakipagkita na raw itong si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa French transport company na POMA Group na nagbigay ng proposal para sa pagtatayo ng cable car.

Kumunsulta na rin daw ang French company sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa rekomendasyon.

Inaral raw ng dalawang taon ng POMA Group ang kanilang rekomendasyon at nakitang pwedeng magtayo ng cable car corridor sa Marikina River na babaybay sa mga lungsod ng Marikina, Makati at Pasig.

Kaya sa sandaling makumpleto, ang cable car system ay magkokonekta ito sa Light Rail Transit (LRT)-2 station sa Santolan at Eastwood, Libis sa pamamagitan ng Metro Rail Transit (MRT)-4.

Ang saya-saya ng pangarap na ito ng isang dayuhang kompanya para sa mamamayang Pilipino.

Hangad natin ang katuparan ng proyektong ito para makatulong sa pagluluwag ng daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

Tinatayang nasa 30,000 hanggang 40,000 commuters ayon sa rekomendasyon ang makikinabang sa proyektong ito sakaling magkaroon ng katuparan.

Sa katunayan, ang dami-daming magagandang rekomendasyong inilalatag para mapatino ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Halos tuwing magpapalit ng administrasyon ay may mga tumpak namang solusyong inilalatag.

Ang tanging problemang ating nasisilip ay ang kawalan ng consistency sa pagpapatupad ng mga inaprubahang rekomendasyon.

Puro sa simula lang ang pagpapatupad gaya ng paghihigpit sa motorcycle lane, bus lane at kung anu-ano pang istratehiya na solusyon sa masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Kadalasan kasi sa pagpapalit ng namumuno ay naiitsapuwera ang swak na o napakagagandang programa na dapat ay abot-kamay na ang ang tagumpay.

Kaya sana ay magkaroon ng batas na magbabawal na sirain ang isang epektibo namang proyekto at magpapawalang-bisa sa mga regulasyon o polisiya na naghahatid naman ng benepisyo sa nakararami.

Kadalasan kasi makaepal lang ay pinapalitan ng mga bagong talagang pinuno ang mga programa o proyekto na epektibo naman.

Kadalasan itong nangyayari sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at sa mga local government unit.

Ang tino-tino pa ng isang proyekto ay titibagin o babaguhin para lamang burahin ang imahe ng pinalitang pinuno.

Kaya sana ay magpasa ng batas ang Kongreso para matigil na ang ganitong sistema.

Ipagbawal na rin sana ang pagtatak ng pangalan ng mga politiko sa gusali, pader, sasakyan at sa iba pang pag-aari ng gobyerno dahil nagiging dahilan ito para gumawa ng panibagong proyekto ang isang bagong upo o halal na opisyal.

For the record, pera ng taumbayan ang inyong ginagastos sa mga proyektong iyan kaya puwede ba huwag ninyong markahan ng inyong mga pangalan na tila nabili ninyo gamit ang sarili ninyong pera.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on