WebClick Tracer

NEWS

3 pasaway sa turista modus naharang

Naunsyami ang paglabas sa bansa ng tatlong nangarap na maging overseas Filipino worker (OFW) nang harangin sila ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) matapos magpanggap na mga turistang bibisita sa kanilang mga kaanak sa Malaysia.

Nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco na mas malaking panganib ang naghihintay sa tatlong babae sakaling nakalusot sila patungong Malaysia sa pamamagitan ng Zamboanga International Seaport (ZIS).

“Ilang beses na naming sinasabi sa inyo, huwag magtangkang umalis nang iligal dahil malapit sila sa pang-aabuso at pagsasamantala habang nagtatrabaho sa mga dayuhan sa ibang bansa,” diin ni Tansingco.

Aniya, ang insidente ay dapat magsilbing babala sa mga sindikato ng trafficking dahil pursigido silang labanan ang human trafficking hindi lang sa mga paliparan kundi sa mga daungan din.

Ayon sa immigration border protection and enforcement section (I-PROBES) ng BI, naharang ang mga babae noong Enero 22 habang papasok sa barkong MV Antonia I patungong Sandakan, Malaysia.

Isinailalim sa secondary inspection ang mga ito dahil sa mga sablay sa kanilang mga dokumento.

Nang kapanayamin ng I-PROBES, sinabi ng tatlo na bibisitahin nila ang kanilang mga kamag-anak sa Malaysia pero magkakasalungat na ang mga sagot sa iba pang tanong.

“It was an obvious case of trafficking, as their documents were just handed to them before their trip,” ani Tansingco.

(Mina Navarro)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on