WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Mga kaanak hinimok kilalanin, kunin labi ng mga biktima sa landslide

Hinimok ng provincial government ng Davao de Oro ang mga kaanak ng naging biktima ng landslide sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro na kilalanin at i-claim na ang mga labi na narekober sa guho.

Ayon sa Davao de Oro PLGU, kailangan lang nilang magtungo sa mga nangangasiwa sa Dead and the Missing Person (DMP) na nasa incident command post ang mga kaanak ng mga nawawalang biktima.

Kailangan din anila na ipa-blotter sa desk ng PNP ang pagkawala ng kanilang mga kapamilya para maging opisyal ang deklarasyon ng pagiging missing person nito.

Sasailalim din ang kaanak sa Ante-Mortem Data Collection at ipapasa sa Disaster Victim Identification o DVI ang mga nakolektang data mula sa mga ito para ihambing sa mga labi ng narekober na bangkay para sa pagkilala sa mga ito.

Kinakailangan din na may pagkakakilanlan o patunay na ang nagreport ay kamag-anak ng nawawalang biktima.

Kalakip din ang mga dokumentong nagpapakilala sa biktima tulad ng mga picture, ID, fingerprints, dental records at iba pa.

Sa pinakahuling tala ng Davao de Oro PLGU noong Sabado nang hapon, nasa 37 bangkay na ang narekober sa landslide.

Dalawang bangkay pa ang narekober ng mga rescuer kahapon.

Samantala, bumaba sa 63 ang mga missing person na nasa listahan ng mga nawawalang biktima.

Nananatili naman sa 32 ang bilang ng mga nasugatan sa trahedya.

Samantala, nasa 5,427 na nasa mga evacuation center ang patuloy na binibigyan ng tulong ng pamahalaang panlalawigan at iba pang ahensya ng gobyerno.

Binubuo ito ng 3,749 pamilya mula sa Barangay Calabcab, Malamodao, Kinuban at Binuangan sa Maco at 1,678 pamilya mula sa Brgy. Awao sa Monkayo na kabilang sa mga sinalanta ng mga pagbaha at landslide dulot ng shearline at extension ng LPA na naranasan sa lalawigan noong mga nakaraang linggo.

(Ronilo Dagos)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on