WebClick Tracer

NEWS

Reklamo ng mga miyembro: Pasyente tinipid ng PhilHealth

Pupulungin ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Department of Health (DOH) upang itaas ang benepisyong nakukuha ng mga miyembro nito.

Ayon kay Romualdez, mayroon nagtatanong sa kanya kung puwedeng itaas ang sinasagot ng PhilHealth sa gastos ng mga pasyente sa ospital kasama na ang mga pumapasok sa pay ward ng mga pribadong ospital.

“Marami ang nagtatanong sa atin kung puwedeng dagdagan ang sasagutin ng PhilHealth sa billing at doctors’ fees kapag private ang kinuha na kuwarto o sa pay ward,” sabi ni Romualdez.

Batay sa kanyang natanggap na reklamo, sinabi ni Romualdez na nasa 15% hanggang 20% lamang ng hospital bill ang sinasagot ng PhilHealth sa mga miyembro nito na nasa pribadong ward.

“Hindi naman lahat na naa-admit sa ospital ay nasa free o charity ward. Mabilis kasi maubos ang mga charity beds,” punto ni Romualdez. “Hiling ng mga tao na kalahati ng bill nila sana kapag na-admit sa private ay sagutin ng PhilHealth para kalahati na lang ang bayaran ng miyembro.”

Sa professional fee ng mga doktor at espesyalista, sinabi ni Romualdez na nagrereklamo ang mga miyembro dahil nasa 30% lamang ang sinasagot ng PhilHealth.

“Maghahanap tayo ng solusyon kung papaano magawan ng paraan itong kahilingan ng taumbayan na hindi na dadaan sa paggawa pa ng batas dahil medyo matagal ito,” giit ni Romualdez. “Definitely, we hear our constituents. Therefore, we have to do something about it.”

(Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on