WebClick Tracer

METRO

Van sumirko sa expressway, 3 tigok

Tatlong katao ang nasawi habang 14 ang nasugatan matapos pumutok ang gulong ng kanilang sinasakyang van at sumirko sa kahabaan ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Rosales, Pangasinan noong Sabado ng umaga.

Sa report ng Rosales Police Station (RPS), nangyari ang insidente bandang alas-9:02 nang umaga sa TPLEX sa bahagi ng Tomana West, sa nasabing bayan.

Sa ulat, binabagtas ng van ang kahabaan ng kalsada nang biglang sumabong ang harapan nitong gulong at suwagin ang concrete barrier ng expressway hanggang nagpaikot-ikot ito.

Ayon sa pulisya, agad nasawi ang isang 76-anyos na babae at dalawang lalaki na may edad na 30 at 32 nang bumaligtad ang sasakyan.

Sugatan naman ang 14 pang pasahero na pawang magkakamag-anak, kasama rito ang driver.

“Ang tantiya ko dun, overload po. Kasi ‘yung gulong eh 14-15. Eh ang sakay niya is 17. Siyempre long distance, hindi nakayanan ng gulong, pumutok,” anI RPS investigator P/ Chief Master Sgt. Marlon Pala.

Galing umano sa Caloocan City ang magkakamag-anak at papunta sa Manaoag Shrine sa Manaoag, Pangasinan para magpa-bless ng sasakyan at magsimba pero trahedya ang kanilang sinapit.

(Allan Bergonia)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on