WebClick Tracer

NEWS

Customs, LTO yari kay Raffy Tulfo sa 2 sports car

Bagama’t nabawi na ng Bureau of Customs (BOC) ang isa sa dalawang Bugatti Chiron na pinuslit sa bansa, kinalampag muli ni Senador Raffy Tulfo ang ahensiya para makuha ang isa pang sports car.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Tulfo na nabawi ng BOC ang isa sa dalawang sports car noong Pebrero 9.

“Bago nakamtam ang tagumpay na ito sandamakmak na kapalpakan muna ang nangyari at nakapasok itong Bugatti Chiron na ito nang walang record sa Customs at nairehistro pa sa LTO (Land Transportation Office (LTO),” sabi ni Tulfo sa kanyang privilege speech.

Sabi ni Tulfo, may iregularidad sa mga pinuslit na sports car.

“Una po, noong ito ay tinanong ko noong Nobyembre kung nagbayad ba ng customs duties ang mga ito, agad-agad akong sinagot ng mga matataas na opisyales ng Customs na wala silang record nitong 2 Bugatti,” ani Tulfo.

“They confidently told me that they looked at the records from 2019 onwards and wala daw talaga. They said that before the Senate budget deliberations, they would not say that if they had no basis,” dagdag pa niya.

Nagsagawa umano ng background check ang tanggapan ni Tulfo sa rehistro ng dalawang Bugatti Chiron sa LTO at nadiskubre na ang kulay asul na sports car na may plate number NIM 5448 ay nakarehistro sa pangalan ng isang foreigner na si Thu Trang Nguyen, at nakarehistro naman ang pulang Bugatti Chiron na may plate number NIM 5450 sa isang Meng Jun Zhu.

Ayon sa senador, sa pag-aaral ng mga dokumentong pinasa nila sa LTO upang ito ay marehistro, makikita na magkasabay na isinailalim sa proseso ang dalawang sasakyan.

Pareho din umanong itong inimport ng Frebel Import and Export Corporation na ang bill of lading ay may petsang Disyembre 24, 2022 at sabay na inirehistro sa LTO noong May 30, 2023.

“Ngayon ang tanong ko po, paano ito narehistro sa LTO kung hindi ito nagbayad ng customs duties ayon sa sinasabi ng mga nakapanayam natin dito noong Nobyembre? Naghimala po si Eddie…may kambal na Certificate of Payment ang dalawang Bugatti na ito na in-issue ng Bureau of Customs!” pahayag pa ni Tulfo.

Nabatid pa ng senador na noong Disyembre 27, 2022, nagbayad din umano ng mahigit kumulang na P24.7 milyon ang Frebel. Ang Certificate of Payment na ito ay pirmado ni Customs Collector Harold Agama at ng Examiner na si Rosario De Leon.

“Sabi ng mga customs officials dito noong budget hearing walang binayad. Pero ang sabi ng dokumento na pinasa sa LTO meron,” saad ni Tulfo.

“Saan po nangyari ang himala, Mr. President? Noon pong panahon na ito, 2022, ang Customs Commissioner ay si Yogi Filemon Ruiz. Marami akong nakukuhang balita na maluwag ang Customs sa mga importation ng sasakyan noong panahon na iyon. At sino rin itong si Yasser Abbas na Director for Imports and Assessment Services ng Bureau of Customs. Sa kaniya di umano dumadaan ang pag-approve ng mga pumapasok na mga sasakyan. Ano ang nangyari dito?” tanong pa ng senador.

Pinagdududahan din ang may-ari ng dalawang sports car na sinasabing mga nagngangalang Thu Trang Nguyen at Meng Jun Zhu na wala umanong rekord ng pagpasok at paglabas sa Pilipinas.

“Napaka makapangyarihan naman nitong mga Bugatti owners na ito. May galamay sila sa napakaraming ahensiya gobyerno,” sabi ni Tulfo. (Dindo Matining)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on