WebClick Tracer

METRO

Mall, 11 gov’t agency bulabog sa `Bomba’

Ilang tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila gayundin sa ilang lugar sa Region 3, at isang mall sa Quezon City ang nakatanggap ng bomb threat kahapon.

Magkakasunod na binulabog ng bomb threat ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA), Department of Agriculture (DA), Social Security System (SSS), Commission on Audit (COA), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Housing Authority (NHA); Commission on Higher Education (CHED), lahat sa Quezon City at Department of Science and Technology (DOST) sa Bicutan, Taguig City.

Bukod dito ay may ulat din na nagkaroon ng bomb threat sa Vertis mall sa QC, Region 3 partikular sa Zambales at Bataan.

Sa inilabas na statement ng DENR, kinumpirma nila na nakatanggap sila ng tawag na may sasabog sa kanilang ahensya alas-10:00 ng umaga subalit sa pag-iinspeksyon ng pulisya ay walang nakuhang bomba.

Sa pahayag naman ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brig General Redrico Maranan, lahat ng tanggapan na naiulat na may bomba sa lungsod ay agad tiningnan ng Explosive Ordnance Disposal teams subalit lumalabas na ang mga ito ay walang katotohanan.

Ayon sa QCPD, ang banta ay inilabas umano ng isang Japanese national na siya ding responsible sa mga bomb threat noong Setyembre 2023 sa DOST central office, MRT 3 at iba pa.

Agad na pinalabas ang mga empleyado ng NHA at CHED subalit wala ring nakitang anumang bomba.

Pinasinungalingan naman ni Police Regional Office 3 Director Police Brig. General Jose Hidalgo ang mga ulat na may bomba sa lalawigan ng Zambales at Balanga, Bataan.

Ayon kay Hidalgo, agad na sinuspinde ang klase at trabaho sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Balanga, Bataan at Zambales matapos na makatanggap ng bomb threat.

Nagsuspindi din ng klase ang Olongapo City matapos ding makatanggap ng ulat na may bomba sa isa sa tanggapan sa pamamagitan din ng email.

Sa ngayon ay patuloy na hinahanting ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang may pakana ng nasabing mga bomb threat.

(Edwin Balasa/Dolly Cabreza/Natalia Antonio/Vick Aquino/Betchai Julian)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on