WebClick Tracer

NEWS

Mga trucking firm umaangal sa pass-through fee

Malaking problema umano ngayon ng mga trucking company ang kakulangan ng tsuper na handang bumiyahe sa Metro Manila dahil sa mga insidente ng pangongotong at karahasan na dinaranas nila.

“`Yan ang pinakamalaking problema namin, `yung shortage ng drivers dahil sa hirap ng sitwasyon. Kaliwa’t kanan ang kanilang ticket sa kanilang mga lisensya because `pag hindi ka nagbigay o `pag hindi ka sumang-ayon sa gusto nilang amount, titiketan ka. Mga driver namin takot na takot na sa violations,” sabi ni Confederation of Truckers Associations of the Philippines president Mary Zapata sa programa sa radyo nina Ted Failon at DJ Chacha nitong Lunes, Pebrero 12.

Sabi ni Zapata, may mga insidente rin na nasasaksak ang kanilang mga drayber at hinahambalos ang mga pahinante. May isang nagreklamo sa programa ni Senador Raffy Tulfo ngunit lalo lamang silang nahirapan at binantayan sila kaya hindi maganda ang kinahinatnan, aniya.

“`Yan ang nakakatakot talaga. Ang proteksyon, malayo sa amin,” sabi ni Zapata. “Kami na ang may problema, `pag nagsabi kami ng problema, kami pa ang may kasalanan,” ani Zapata.

Sabi ni Zapata, nakakapanghinayang ang inisyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Executive Order No. 41 kung saan pinahinto ang mga local government unit na maningil ng pass-through fees sa mga food delivery truck.

“Para bang sa madaling salita, nagbago lang ang sistema pero ang paniningil, tuloy-tuloy pa rin `yun at hindi naman nawala,” sabi ni Zapata.

“Parang walang bisa `yun dahil ang nangyayari, mas lumaganap pa. Nararanasan namin hindi lang sa Metro Manila pati out of town, like for example sa Bataan and so on and so forth. Kahit sa barangay, naniningil sila ng P200 na pass through sa kalsada nila,” ayon pa kay Zapata. (Eileen Mencias)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on