WebClick Tracer

OPINION

Senado, `wag magpa-pressure sa mga kongresista

Hindi maaaring madaliin o i-railroad ang resolusyon na naglalayong amiyendahan ang ilang probisyon sa 1987 Constitution.

Tama ang paninindigan ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na sinang-ayunan din nina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senator Sonny Angara na siyang chairperson ng Senate sub-committee on constitutional amendments and revision of codes, at iba pang kapwa senador na kailangang busisiing mabuti ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses (RBH) no. 6.

Sa ating pagkakaalam ang lehislatura ay deliberative body na ang ibig sabihin ay kailangan maingat na pag-aralan at himaying mabuti ang mga panukala upang matiyak na makakabuti ito sa mayoryang Pilipino.

Nasanay siguro ang mga kongresista lalo na sa kasalukuyang 19th Congress na i-railroad at mabilisan ang pagpapatibay ng mga panukalang batas na lilitaw na “bara-bara” ang kanilang aksiyon.

Paliwanag nga ni SP Zubiri na hindi magpapa-pressure ang Senado sa mga ibinibigay na deadline ng mga kongresista na ang gusto ng mga ito ay agad aprubahan sa buwan ng Marso at isalang sa plebisito sa Hulyo ngayong taon ang amiyenda sa Konstitusyon.

Ang target ng Senado na maisalang sa plebisito ang naaprubahang amiyenda ay sa taong 2025 na isasabay na sa eleksiyon.

Tama naman ang Senado at nakikita natin ang malasakit ng mga ito sa pangunguna ni SP Migz Zubiri na bilyong piso ang gagastusin sa plebisito kung kaya’t mas makakatipid kung isasabay ito sa 2025 elections.

Sana naman ay isipin ng mga kongresista ang pondo na gagastusin sa plebisito dahil ito ay mula sa buwis ng taumbayan na maaaring mailaan pa sa ibang proyekto ng gobyerno na pakikinabangan ng mamamayan.

Kung totoong ang layunin ng mga kongresista ay mapabuti ang kalagayan ng sambayanan dapat maging masinop ang mga ito sa paggastos sa buwis ng bayan tulad ng pagmamalasakit ng mga senador sa pamumuno ni SP Zubiri.

Dapat ay irespeto ng mga kongresista ang Senado na nagnanais lang na repasuhing mabuti ang RBH no. 6 para matiyak na mas magiging malaki ang pakinabang nito sa taumbayan.

Itigil na ang bangayan at sa halip ay maaaring tumulong na lang ang House of Representatives na magpaliwanag sa publiko sa magandang layunin ng RBH no. 6 sa halip na i-pressure ang mga senador na madaliin ang pagpapatibay at maisalang sa plebisito ngayon July 2025.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on