WebClick Tracer

NEWS

Stella Quimbo inismol Senate bill sa P100 umento

Hindi kumbinsido ang isang lider ng Kamara de Representantes sa panukala ng Senado na taasan ng P100 ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon kay House committee on appropriations senior vice chairperson at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, babawiin lamang ng mga negosyante ang dagdag na P100 sa sahod ng kanilang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtataas sa presyo ng mga bilihin.

“Pag magtataas po tayo ng minimum wage…., ano sa tingin ninyo ang mangyayari? Ang gagawin po ng mga kompanya ay ipapasa po nila ang pagtaas ng wage sa presyo, kaya po aasahan po natin na inflationary po yan,” sabi ni Quimbo.

“So, you will temporarily satisfy our workers who are also consumers, hindi po ba? Eventually yun tinaas sa sahod nila ay kakainin din naman po dun sa pagtaas ng presyo ng bilihin,” dagdag pa ni Quimbo.

Sinabi ni Quimbo na ito ang dahilan kung bakit naghahanap ng paraan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang mapababa ang presyo ng bilihin.

“`Yung minimum wage puwede po natin `yan itaas `pag nagkakaroon po tayo ng productivity increases,” sabi nito.

Kinonek pa ni Quimbo sa Charter change (Cha-cha) ang isyu sa umento.

“Kailangan natin palaguin ang ekonomiya kaya po tayo nandito at nagpu-push ng economic Cha-cha.”

Pero, nilinaw naman ni Quimbo na hindi ito tutol sa pagtaas sa minimum wage subalit mahalaga umano na gawin ito sa tamang panahon.

“Maganda po na pinag-iisipan ang (pagtaas ng) minimum wage, ang sa amin lang ang pag-isipan natin ng mabuti ay `yung timing po,” dagdag pa ni Quimbo. (Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on