WebClick Tracer

OPINION

Duterte, uubusin daw ang ICC?

“Hindi ako papahuli ng buhay sa ICC. Kapag puntahan nila ako, arestuhin nila ako dito, magkabarilan talaga `yan at uubusin ko sila.”

Ito ang pahayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa diumano’y impormasyon na kanyang natanggap na siya ay aarestuhin anumang oras ng International Criminal Court (ICC) batay sa kasong naisampa sa kanya ukol sa madugong war on drugs. Dagdag pa niya, wala raw jurisdiction ang ICC sa ating bansa.

Depensa naman ni ex-human rights lawyer Harry Roque, ilegal ang gagawing pag-aresto ng ICC kay Duterte. Kung mangyayari raw ito, maaari diumanong gamitin ni Duterte ang Article 59 ng Rome Statute or “the right to apply to the competent authority in the custodial State for interim release pending surrender.” Maaari rin umano magsampa ng petition si Duterte sa Korte Suprema para sa “writ of habeas corpus” upang pigilan ang request ng ICC sa ating pamahalaan na arestuhin ito.

Nagbabala naman si Senator Bong Go na magkakagulo raw kapag pinilit ng ICC na arestuhin ang kanyang amo. Malaki umano ang tiwala niya na hindi kikilalanin ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang jurisdiction ng ICC at walang kooperasyon na iaalok ang pamahalaan. Gaano kalaki ang tiwala ni Senato Go kay BBM? Kasinglaki ba ng rally nila sa Davao laban sa kasalukuyang presidente?

Nakakatawa ang kanilang mga pahayag. Sa likod ng kanilang tila maanghang na salita, halata ang kanilang desperasyon, takot, kontradiksyon at pagkabalisa. Una, ang “hindi ako papahuli ng buhay” at “uubusin ko sila” na statements ni Duterte ay madalas na sinasambit ng mga halang na pusakal na nasusukol na ng mga alagad ng batas. Hindi ganyan ang pahayag o postura ng mga inosente at may tunay na ipinaglalaban. Narinig ba ninyong binanggit ito ni former Senator Leila De Lima noong siya ay inaresto batay sa mga pekeng akusasyon? Sinambit ba ito ni Ninoy Aquino noong matapang siya na bumalik sa bansa at sinalubong ang mga bala? Ito ba ang huling pahayag ni Kian Delos Santos na pinaslang ng mga abusadong pulis ni Duterte?

Pangalawa, akala ko ba hindi kinikilala ng kampo ng mga Duterte ang ICC? Bakit sila dudulog sa Article 59 ng Rome Statute kung sakaling arestuhin si Duterte eh ang nasabing treaty ang lumikha sa ICC? Wow labo. At bakit sila ngayon tatakbo sa Korte Suprema para sa writ of habeas corpus gaya ng ginawa ng maraming mga pamilya na may mga mahal sa buhay na biktima ng kanilang drug war? All of a sudden naniniwala na ang mga Duterte sa human rights at rule of law? Isang himala!

Pangatlo, ang sinasabing kaguluhan na nais diumano iwasan nina Senator Go sa paglabas ng ICC ng arrest warrants ay ang tunay na hangad ng mga Duterte. Kaya nandiyan ang banta ni Digong ng kudeta, destabilisasyon, secession at maging s laban sa administrasyon. Bakit walang pahayag si Senator Go sa mga banta na ito ng kanyang amo? Pabor ba siya? Kung totoong ayaw niya ng kaguluhan, bilang senador, dapat niyang kastiguhin ang mga banta ni Digong, kung saan marami rito ay unconstitutional. Ngunit kaya ba ng senador na suwayin ang kanyang amo?

Alam ng mga Duterte na kapos na sila sa oras at panipis na ng panipis ang kanilang impluwensiya at kapangyarihan sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan. Patunay nito, sa isang SWS survey na isinagawa noong December 8-11, 53 percent ng Pilipino ang nagpahayag ng suporta sa imbestigasyon ng ICC ukol sa mga patayan noong panahon ni Duterte. Ito ay tumaas ng 9 points mula sa 48 percent ng Marso noong nakaraang taon.

Kaya ang banta ni Duterte na hindi siya papahuli ng buhay, bagama’t totoo, ay hindi nanggagaling sa posisyon ng katapangan kundi mula sa malalim na takot at desperasyon. Pinapatunayan at pinapalakas lamang nito ang mga akusasyon laban sa kanya. Hanggang sa dulo, patayan ang nasa isip niya. Unti-unti ng napapaligiran ng buong mundo si Digong at ang kanyang mga kasabwat. At kapag lumabas ang arrest warrants ng ICC, iisa ang magiging sigaw ng lahat: “Duterte, sumuko ka na!” YARI KA!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on