WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Chairman, kagawad tinodas sa barangay hall

Patay ang isang kapitan gayundin ang kasama niyang kagawad at tanod nang pagbabarilin sila ng dalawa sa apat na suspek habang nasa loob ng kanilang barangay hall sa bayan ng San Isidro sa Leyte noong Sabado.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Barangay Daja Diot Chairman Elizalde Tabon, 55 anyos, Kagawad Paulo Mendero, 52 anyos, at tanod na si Rusty Salazar.

Sugatan naman ang tanod na si Alex Bacor na ginagamot ngayon sa isang ospital.

Sa ulat ng San Isidro Municipal Police Station (MPS), abala ang mga biktima sa pag-aayos ng ipamamahagi nilang educational assistance para sa mga estudyanteng residente ng kanilang barangay nang atakihin sila ng mga suspek bandang alas 9:30 nang gabi.

Dumating umano sa lugar ang apat na suspek lulan ng dalawang motorsiklo.

Bumaba ang dalawa sa mga ito at pumasok sa barangay hall habang nagsilbi namang lookout ang dalawa pa sa labas.

Bago pumasok sa loob ng barangay hall ang dalawang gunman, una muna nilang pinutukan si Salazar na nasa labas ng opisina at pagpasok sa loob ng barangay hall ay saka nila niratrat ang tatlong biktima.

Matapos matiyak na wala ng buhay ang mga biktima, tumakas na ang mga ito palayo sa lugar.

Iniimbestigahan na ang motibo sa krimen para matukoy ang utak sa pamamaslang sa mga biktima.

Samantala, agad namang naglatag ng mga police checkpoint sa paligid ng San Isidro gayundin sa mga kalapit nitong bayan para matiyak na hindi makakalayo ang mga suspek.

(Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on