WebClick Tracer

NEWS

Cha-cha resolution ng Kongreso ididiretso sa Comelec

Hindi na umano dadaan pa sa Office of the President ang Resolution of Both Houses ng Senado at Kamara de Representantes na naglalayong amiyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution kundi ididiretso na ito sa Commission on Elections (Comelec) na magpapatawag ng plebisito.

Ito ang sinabi ni Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, ang tumatayong floor leader ng Committee of the Whole na siyang dumidinig sa Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7) ng Kamara na para sa Charter change (Cha-cha).

Nauna nang nagsagawa ang Senado ng kaugnay na Resolution of Both Houses No. 6 na naglalayon din amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.

“Ang ginawa ng House ay salubungin na para kung magkaka-agree before the Lenten break, meron na kaming pareho – kung ma-approve ng Senate ang version nila…pareho naming ma-approve `yan by the required, necessary votes…then puwede na naming padala `yan sa Comelec. Para ang Comelec ngayon ay mag-schedule na ng plebisito,” paliwanag ni Gonzales.

Tulad ng paggawa ng batas, sinabi ni Gonzales na kapag naaprubahan ng Committee of the Whole ang RBH 7 ay aaprubahan ito ng plenaryo ng Kamara sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

“Para din itong pagtalakay ng isang normal na bill. Dumadaan sa three readings…Pareho din ‘to, except this involves the amendment of the Constitution…ordinarily, nire-refer sa committee on constitutional amendment, pero nothing prevents the House from exercising it’s discretion to constitute a committee of the whole para…lahat can participate,” dagdag pa ni Gonzales.

Kapag naipadala na ng Senado at Kamara ang resolusyon sa Comelec ay maaari nang magpatawag aniya ng plebisito kung saan pagbobotohan kung pabor ang mga botante o hindi sa mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas.

Iginiit ni Gonzales na kinopya ng Kamara sa RBH 7 ang laman ng RBH 6 ng Senado. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on