WebClick Tracer

NEWS

Mga senior citizen 80 pataas swak sa P10K cash – Bong Revilla

Magandang balita para sa mga lolo at lola dahil sila ang makikinabang nang husto sa batas ng pinalawak na Centenarian Act.

Ito’y matapos na lagdaan nitong Lunes, Pebrero 26, ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Republic Act No. 11982 kung saan maliban sa mga centenarian na umabot ng 100 taong gulang, ay bibigyan na rin ng cash gift ang mga senior citizen na aabot ng edad na 80, 85, 90 at 95-anyos.

Sa 194,000 na mga matatanda sa bansa, sinabi ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na 103,000 sa mga ito ang nasa 80-anyos, mahigit 57,000 ang 85, mahigit 24,000 ang 90 habang 2,500 naman ang bilang ng mga umabot ng 100 taong gulang.

Ayon kay Revilla, ang mga lolo at lola na aabot sa mga nabanggit na edad ay tatanggap ng cash gift na P10,000.

Kakailanganin aniya ng P2.2 bilyong pondo para sa cash gift ng mga senior citizen.

Nilinaw ni Revilla na hindi pa matatanggap ngayong 2024 ang cash gift dahil hindi naisama sa national budget ang pondo para sa Expanded Centenarians Law pero ito ay retroactive naman o matatanggap pa rin sa susunod na taon.

Hinikayat din ni Revilla ang mga lolo at lola na magiging 80, 85, 90 at 95 na ang edad ngayong taon na magpalista sa Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) para matanggap pa rin nila sa susunod na taon ang nasabing benepisyo.

Pinasalamatan naman ni Revilla si Pangulong Marcos sa paglagda ng nasabing batas.

“Ako ay natutuwa dahil ito ay campaign promise ko sa ating mga lolo at lola, tuwang-tuwa ako ang daming tumatawag nagti-text. Even the President ay tuwang-tuwa kanina. Good news para sa ating lolo at lola,” sabi ni Revilla.

Nabatid na nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11982 na nag-amiyenda sa RA 10868 o Centenarians Act of 2016 upang palawakin pa ang mga benepisyaryo ng cash gift na nagkakahalaga ng P10,000 sa mga senior citizen na edad 80, 85, 90, at 95. (Dindo Matining)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on