WebClick Tracer

NEWS

Philippine Coast Guard Facebook page binaboy ng mga hacker

Hinihinalang muling tinarget ng mga hacker ang social media page ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos mapansin ng mga netizen ang hindi pangkaraniwang nilalaman ng mga post sa Facebook ng ahensiya nitong Lunes, Pebrero 26.

Kinumpirma ng tagapagsalita ng PCG na si Rear Admiral Armando Balilo na isang hindi kilalang entity ang nakakuha ng access sa Facebook page ng PCG bandang alas-sais ng gabi.

“Based on the initial diagnostic of the Coast Guard Public Affairs (CGPAS), the unknown entity did not leave any digital traces on the official email address and the mobile phone used by the CGPAS to establish a security key as an additional layer of online protection,” sabi ni Balilo sa inilabas na pahayag nito.

Dalawang “malicious short videos” ang ipinost sa official Facebook page ng PCG. Tinangka umanong tanggalin itong CGPAS subalit hindi magawa.

“However when the CGPAS tried to delete the videos, the service was alerted with a forced switch account notification,” ayon kay Balilo.

Sinabi ni Balilo na nagsasagawa ng strategic communication plan workshop ang mga tauhan ng CGPAS nang mangyari ang hacking.

Aniya, ang huling opisyal na pag-access at pag-post ng CGPAS sa kanilang FB page ay bandang alas-10:00 ng umaga matapos i-cover ang isang maritime incident sa Atimonan, Quezon.

Nangyari ang insidente wala pang dalawang linggo matapos na ma-hack ang X (dating Twitter) account ng PCG na mayroong 79,700 followers.

Noong Enero, nakatanggap din ng alerto ang PCG mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa isang naudlot na pagtatangka na i-hack ang website nito na sinasabing galing pa sa China ang mga hacker. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on