WebClick Tracer

METRO

2 pulis, 4 pa nasilat paghasik ng tensiyon sa QC

Arestado ang dalawang pulis at apat pang mga kasamahang lalaki matapos na maghasik ng tensiyon sa mga residente ng Brgy. Pagibig sa Nayon, Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang mga nadakip na sina Patrolman Edmir Burton Paliota, 30, nakatalaga sa Lingayen, Pangasinan Provincial Police Office (PPO); Dylan Lola Verdan, 44, dating pulis; Errol James Villa, 29, helper; Raymond Palabay Apostol, 38, driver; Mark Alfaro Pueyo, 45, at Romie Bulandos Soliman, 28-anyos.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:20 ng madaling araw (April 1), nang mamataan ng mga suspek sa Ligaya St., kanto ng A. Bonifacio, Brgy. Pagibig sa Nayon, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Angel T Pascasio III, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga residente hinggil sa mga kahina-hinalang motor at sasakyang gumagala sa kanilang barangay.

Agad na nagresponde ang mga pulis at naabutan pa ang mga suspek na sakay ng Toyota Vios at Yamaha Mio-I kaya nilapitan nila ito pero nagtangka pang lumaban at tumakas.

Gayunman, matapos ang komosyon ay nadakma pa rin ang mga nasabing suspek.

Narekober mula sa mga suspek ang 9mm caliber pistol na walang serial number; magazine na may laman na walong bala, Toyota Vios (NGT 7223), at Yamaha Mio-i125 na walang plaka; at LTO Vehicle Plate number NDS 4578.

Nakapiit na ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Obstruction of Justice laban sa kanila.

Patuloy pa ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang mabatid kung ano ang ginagawa at pakay ng mga nasabing suspek sa .lugar. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on