WebClick Tracer

NEWS

Palasyo sa publiko: Magtabo para makatipid ng tubig

Inirekomenda ng Task Force El Niño sa publiko na gumamit ng timba at tabo sa paliligo at pagbuhos sa inidoro para makatipid sa tubig sa halip na shower at bidet ngayong panahon ng El Niño at kasagsagan ng summer season kung saan bumababa ang level ng tubig sa mga dam.

Sa isang panayam kay Presidential Communications Office Assistant Secretary at Task Force El Nino Spokesperson Joey Villarama, mas makakatipid sa tubig kung gagamit ng timba at tabo sa paliligo sa halip na shower.

Isa aniyang praktikal na paraan ito lalo na sa mga panahong ito kung saan hinihikayat ang publiko na magtipid ng tubig dahil sa nararanansang tagtuyot.

Sinabi ni Villarama na kasama rin sa isang paraan ng pagtitipid ay hindi palaging pag-flush ng inidoro lalo na kung iihi lang naman.

“Dahil Pilipino tayo nasa kultura po natin ‘yong gumamit ng tabo. Gumamit tayo ng tabo sa ating pagligo. Ako po natuklasan ko, noong panahon na nag-aaral pa ako, kasya po ang isang baldeng tubig sa pagligo, so gumamit ng balde, gumamit ng tabo para po tayo lahat makatulong sa pag-titi¬pid at pag-conserve ng ating water resources,” ani Villarama.

Nagdeklara na ang Cebu City at Zamboanga City ng krisis sa tubig dahil sa patuloy na pag-init ng panahon kung saan nagsabay pa ang El Niño phenomenon at panahon ng tag-araw.

Pero sinabi ni Villaramana na hindi pa umaabot sa kritikal level ang antas ng tubig sa Angat Dam kaya walang dapat na ipangamba ang mga ta-ga-Metro Manila na matulad sa Cebu City at Zamboanga City.

“ Hindi pa po tayo humahantong sa critical level sa Metro Manila and as I said, mayroon pong contingency measures na dapat nating i-factor in sa mga susunod na linggo,” dagdag ni Villarama. (Aileen Taliping)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on