WebClick Tracer

Tonite Hulaan Blues

Congressman sinabon staff na hindi nagbigay pugay

ABANTE-TONITE---HULAAN-BLUES

Sino raw itong miyembro ng Kamara de Representantes na nanermon ng kanyang staff dahil lamang nakalimutang magbigay pugay sa kanya?

Ayon sa nakalap ni Mang Teban, isang araw ay mainit daw ang ulo ng mambabatas nang pumasok ito sa kanyang opisina, daig pa ang babaeng may regla.

Sa pagpasok nito sa opisina, agad na bumati ang kanyang mga staff ng “Good morning, sir!”

Dederetso na sana ito sa kanyang kuwarto nang mapansin ang isang staff na hindi nagbigay pugay sa kanya. May nakapasak kasing earphone sa tainga nito habang nagre-research sa panukalang batas.

Aba’y agad daw na sinigawan ng congressman ang staff dahil akala nito ay pabandying-bandying lamang ito sa trabaho sa opisina.

Agad na pinapasok sa kuwarto ang staff, mistulang estudyante na ipinatawag ng principal upang sermunan. Hindi raw niya ito pinapasuweldo para makinig lamang ng music.

Umabot daw ng halos kalahating oras ang pananabon ni congressman sa babaeng staff na halos maiyak-iyak na dahil naging personal na ang banat ng kanyang amo.

Natapos lang daw ang panenermon ng mambabatas nang umalis na ito upang dumalo sa public hearing ng isang komite. Na-trauma raw ang staff at ilang araw lang ang lumipas ay nag-resign na sa trabaho.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on