WebClick Tracer

NEWS

DFA, Immigration piniga sa imbentaryo ng mga Chinese sa `Pinas

Nanawagan ang isang kongresista sa pamahalaan na imbestigahan ang kahina-hinalang pagdami ng mga Chinese national sa mga lugar na malapit sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at mga pangunahing seaport at airport sa bansa.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, dapat malaman kung ilang Chinese nationals na ang nasa Pilipinas at kung nasaan ang mga ito.

“Dapat lang siguro na alamin natin at imbestigahan ang BI (Bureau of Immigration) kung ilang Chinese nationals na ba talaga ang nasa loob ng ating bansa, ano ang nature ng hawak nilang mga travel documents, at kung saan saang parte ng ating bansa sila naka-deploy,” sabi ng mambabatas.

Sinita rin ni Barbers ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakadestino sa China.

“At itong mga DFA officials natin sa China, nagsasagawa ba sila ng due diligence sa pag-apruba ng visa ng mga Chinese nationals na pumupunta sa ating bansa? Dapat din siguro alamin natin sa kanila kung ano ang status ng mga Chinese national na binigyan nila ng visa, ang bilang ng mga pumunta dito at bumalik sa China, at ilan pa ang numero ng mga naiwan pa dito,” dagdag pa ni Barbers.

Pinatutukan din ni Barbers ang “Chinese mafia” na nasa likod umano ng pagbibigay ng mga pekeng dokumento sa mga Chinese national para palabasin na Pilipino ang mga ito upang makabili ng lupa malapit sa mga EDCA site, seaports at airports.

Marami umano sa mga nagpapanggap na Pilipinong ito ay hindi marunong magsalita ng lokal na lengguwahe.

Binanggit din ni Barbers ang naging reklamo ng mga residente ng Multinational Village sa Parañaque City kaugnay ng mga Chinese national na maingay umanong nagmi-military exercise sa kanilang lugar.

“Are they Chinese spies or soldiers already present in the country, all hiding in plain sight?” tanong ni Barbers.(Billy Begas/Eralyn Prado)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on