WebClick Tracer

NEWS

Secretary Eduardo Año sa DOJ: Pantaleon Alvarez sampolan sa sedisyon

Hiniling ng National Security Council (NSC) sa Department of Justice na pag-aralan at ikonsidera ang pagsasampa ng kaso laban kay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez dahil sa panawagan nito sa mga pulis at sundalo na magbitiw ng suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa inilabas na pahayag ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año, sinabi nitong ang panawagan ni Alvarez sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP) ay isang malaking insulto at pagmamaliit sa propesyunalismo at integridad ng mga ito.

Sinabi ng kalihim na pareho aniyang tapat sa Konstitusyon, chain of command at sa Pangulo ang AFP at PNP.

“We call on the Department of Justice to thoroughly review this matter and consider appropriate legal actions against Rep. Alvarez and others similarly situated,” sabi ni Año.

Tinawag ng kalihim na iresponable, ilegal at paglabag sa Saligang Batas ang ginawa ni Alvarez at maikokonsiderang pang-uudyok para magrebelde at mag-alsa ang mga pulis at sundalo.

Binigyang-diin ni Año na mananatiling tapat at non-partisan ang AFP at PNP, at hindi magpapadala sa pambubuyo ng mga politiko at mga personalidad na nais manggulo sa gobyerno. (Aileen Taliping)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on